ISANG HOMILIYA Biyernes ng Ikadalawampung Linggo ng Karaniwang Panahon

Unang Pagbasa: Ruth 1:1, 3-6, 14b-16, 22 Salmong Tugunan: Awit 146:5-6ab, 6c-7, 8-9a, 9bc-10 Mabuting Balita: Mateo 22:34-40

 

Ang pagbitiw ng salita’y nakakapagpabagabag

Maaari itong makabuo o makawasak

Maaari ring magsaboy ng buhay

o ‘di kaya’y maghasik ng lumbay.

 

Ang pagbitiw ng salita’y pagpapatunay

ng kung anong sa puso’y nananalaytay.

Ito’y nagpapatibay din ng isang adhikain

Nang ang bawat masambit, siya ring gagawin.

 

“Huwag mong naising lisanin kita

Wala ‘kong hangaring ika’y mag-isa

Sa’n man magtungo, ako’y sasabay

Magkabalikat sa paglalakbay.

 

“Poon mo ay aking ipagbubunyi

At iibigin nang buong sarili

Sa’n man abutin ng paghahanap

Ikaw at ako’y magkasamang ganap.”

 

Pananatili.

Ito ang pangakong kay Ruth namutawi

Mga katagang ipinanata kay Naomi

Na sa Unang Pagbasa ating napakinggan

Mga katagang kanyang pinanindigan.

* * * * *

 

Ang Mabuting Balita sa araw na ito

laman ang kasagutan ni Hesus sa tanong ng Pariseo

Ito’y ang mahalin ang Diyos nang buong pagkatao

At mahalin ang kapwa gaya nang sarili mo.

 

Ang utos na ito’y siyang pinakadakila

Sapagkat ito ang buod ng pagsunod sa Kanya

Hindi ba’t kapag iniibig natin ang Diyos na Aba,

marapat rin lamang na ibigin din natin ang ating kapwa?

 

At ang pag-ibig na taos sa puso, ang pag-ibig na totoo

ay nagnanais ng kabutihan sa kapwa-tao

– ito’y nagpapatawad.

Ang tunay na pag-ibig ay hindi nanlilinlang,

hindi namimili at hindi nang-aabuso

– hindi nang-iiwan.

 

Ang kapwang tinutukoy dito ay hindi lamang ang katabi natin

O bahagi ng pamilyang ating kinalakihan din

Ang kapwa natin ay lahat ng taong ating nakasasalamuha

o nakasalamuha sa nakaraan o makasasalamuha pa sa hinaharap

Ang kapwa natin ay sinumang pinagkalooban ng hininga

– ng buhay

 

Kasama na rito ang mamang driver na mabilis magpatakbo

Ang aleng mabunganga at mainitin ang ulo

Ang batang rugby ang pantawid-gutom

At ang kaklase o katrabahong nagmamarunong.

 

Ang pagbitiw ng salita’y nakapagpapabagabag

Sapagkat ito’y kailangang ating matupad.

Ang pagbitiw ng salita’y pagpapatibay

Ng mga nais nating gawin sa buhay.

 

Mag-ingat sa pagsasabi ng “Mahal Kita”

Sapagkat ito’y kailangang panindigan

Sapagkat kung sa Diyos natin ito ipinanata

Marapat din lamang na mahalin din natin…

Siya… siya… siya – na ating kapwa.

 

Pananatili.

Ito ang paninindigan ni Ruth.

Mananatili rin kaya tayo sa ating paninindigan magmahal?

 

Agosto 25, 2017, Santo Domingo Church
By Deacon Carlo Rey C. Canto, OP

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *