A HOMILY DURING THE THANKSGIVING MASS OF FR. ART VINCENT M. PANGAN, OP

3 July 2017,
St. Michael the Archangel Parish Church, Camiling, Tarlac

I was Master of Students at Santo Domingo Convent, 2008-2012. Fr. Art Vincent Pangan made his first profession in 2008. We have a term of endearment: we are BATCHMATES, because we entered the Studentate in the same year.

Kung ang buhay ni Fr. Art Vincent ay isang aklat, ang araw na ito ay maituturing na masayang kabanata. At kasali tayo sa kabanatang yaon, kabahagi ng saya, kaisa sa pasasalamat.

Pero ang mga aklat, katulad ng Bibliya, na pinagkakadalubhasaan ni Fr. Art Vincent, ay hindi lang binabasa na tila baga isang guhit lamang, mula simula hanggang wakas, simple lang ang plot o ang buod na iniikutan ng kuwento, mga tauhang hindi makatotohanan, at mga pangyayaring hindi masundan, hindi maunawaan, hindi mapaniwalaan. Ang aklat ng buhay ni Fr. Art Vincent ay kailangang basahin nang malapitan. It demands a CLOSER READING.

Kung teksto lang ang pagbabatayan, titingnan lang natin ang kanyang birth certificate, ang kanyang baptismal certificate, na galing mismo sa parokyang ito, ang kanyang confirmation certificate, ang kanyang mga dokumento sa paaralan, ang kanyang dokumento sa seminaryo – profession, assignation, installation to ministries, ordination, ang kanyang mga sinulat kasama na ang kanyang STL-MA thesis, at maging ang mga pinost niya sa kanyang social media accounts. Pero, gaya nga ni sinabi ng Amang Santo Domingo, ang mga teksto ay patay na balat; Hindi nila sinasabi ang buong kuwento; at mayroong higit pa sa aklat, sa kuwento, sa buhay ni Fr. Art Vincent.

At para maging mas kaaya-aya ang ating pagkukuwento, hayaan ninyo basahin ko kasabay nito ang ebanghelyo para sa araw na ito, ang kapistahan ni Santo Tomas Apostol.

Bagaman, apostol ang bansag ng liturhiya sa kanya, sa ebanghelyo ni San Juan, mas lapat ang salitang SAKSI, sa Griyego, marturia. Ang mga alagad ni Kristo at tinuturing na saksi, nakita nila, nakasama, narinig at nakausap, nakasabay sa pagkain, nahawakan, nakasalamuha nila ang SALITA NG DIYOS, NA NAGING TAO.

Pero, sa tagpo bago nito, Si Tomas daw ay wala doon. ABSENT siya. Paanong magiging saksi ay wala doon sa pinangyarihan? Hindi yan matatanggap sa korte. Yaon ang dilemma ni Tomas, wala siya, absent. Kaya, hindi siya masisisi nang humingi siya ng karagdagang kondisyon – “hangga’t hindi ko nakikita, hangga’t hindi ko nahahawakan, hangga’t hindi ko naipapasok at nailalapat ang aking kamay sa kanyang sugat, sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala,” hindi ako magpapatotoo, hindi ako sasaksi.

At malaking hamon yan para sa ating lahat, mga Kristiyano sa panahong ito. Hindi natin nasaksihan. Paano tayo sasaksi?!

Sana nga, magpakita sa ating lahat ang Panginoon! At dito pumapasok ang pari. Sa buhay ng pari, sa sakramentong kanyang ginaganap, pinapakita sa atin, pinasasaksi sa atin si Kristong muling nabuhay! Sa kanyang pagpapahayag, hinihikayat niya tayo sa pananampalataya.

Ang saksi ay nakatuon sa pananampalataya. Kung gagawin nating bulgar ang salaysay ni Santo Tomas, simple lang ang sinabi nya, MANIWALA AKO SA INYO.

Uso pa ba ang paniniwala at pananampalataya? Sa panahon ito, talamak ang peke at propaganda, ang mababaw at mapagkunwari. Nasa krisis ang pananampalataya. Pero, nasa pananampalataya din ang sagot at susi sa suliraning ito; dahil ang pananampalataya ay mas matayog na paraan ng pagtingin, at mas malalim na uri na kaalaman. Ika nga ni San Pablo, ang pananampalataya ay katiyakan sa mga hindi nakikita, sa mga inaasahan pa lang natin.

Maniwala at magtiwala tayo sa ating pananampalataya. Maniwala at magtiwala tayo sa simbahan, sa mga pari, kay Fr. Art Vincent, at sa isa’t isa. Dahil hindi ito basta basta nakabatay sa kung anu-ano, kundi sa Diyos. Siya ang nagkaloob ng pananampalataya; sa Kanya ito iiral at tatagal.

Sa huli, sa ebanghelyo ni San Juan, ang kuwento ni Santo Tomas ay encuentro. Sa panahon ngayon, ang salitang encuentro ay nagbabago na ng kahulugan. Sa sagupaan ng militar at Maute sa Marawi, sa laban laban sa NPA, sa digmaan laban sa droga, ang encuentro ay marahas, madugo, nakamamatay. Sa henerasyon ng mga millennial, ang social media ay nag-aalok ng encuentro… sa ibang anyo ng meet-and-greet… real-time, mabilis, kaagaran, kahit malayo…

Pero, ang buhay ng pari, ang buhay-Kristiyano ay nananatiling encuentrong marahan at malaliman, mistikal at mahiwaga, personal, espirituwal… ang kaencuentro natin ay Diyos, at kahit saglit, pangmatagalan, panghabambuhay.

Fr. Art Vincent, mga kapatid sa pananampalataya, baunin natin ang mga ito – ang pagiging saksi, ang paniniwala, ang tunay na diwa ng encuentro sa Diyos, encuentrong Kristiyano.

By Br. Clarence C. Marquez, OP

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *