UNANG MISANG ALAY

3 Hulyo 2017
By Br. Art Vincent M. Pangan, OP

Matagal ko pong inisip, pinangarap at pinag-planuhan ang Misang ito. Nais ko po muna sanang magpaliwanag. Kailangan kong ipaliwanag sa inyo kung bakit pagkatapos baybayin ang maraming milya mula sa Metro Manila, Manaoag at ilang bayan ng Tarlac, tayong lahat ay nagsisiksikan sa maliit na kapilyang ito. Pangarap ko po talagang ipagdiwang ang unang Misang iaalay ko sa adoration chapel na ito.

Unang-una po, ngayong araw ay anibersaryo ng aking binyag at ngayon ay nagdiriwang tayo ng Misa sa mismong lugar kung saan ko tinanggap ang aking buhay Kristiyano. I received the common priesthood in this very place, and so it is just fitting that I return to this very place to celebrate the ministerial priesthood.

Pangalawa, nabinyagan ako sa simbahang itinayo ng mga paring Dominikong nauna sa akin. Ang simbahang ito ay kanilang pinagpaguran at sinikap na itayo at alagaan. Sa simbahang ito tinipon nila ang bayan ng Diyos upang ipagdiwang ang Misteriyong ipinagdiriwang din natin ngayon. Ang simbahan at kumbentong ito ay lalong pinabanal ng pag-agos ng kanilang dugo nang sila ay patayin noong rebolusyon. Maari naman silang tumakas, sa katunayan may tumakas ngang isa sa kanila, ngunit pinili nilang manatili dahil ayaw nilang mawalan ng pari ang mga taga-Camiling. Ang kanilang buhay at kamatayan ang nagtuturo sa akin kung paano maging pari: na sa buhay ng isang tapat na pari, hindi mahalaga ang gusto at ayaw, ang komportable at mapanganib, ang mahalaga lamang ay ang pagtupad ng misyon at kalooban ng Diyos. Ang Misang ito ay iniiaalay ko bilang paggunita sa kanila – sa mga misyonerong nagdala ng pananampalataya rito sa atin – na ang buhay-sakripisyo ay hindi na natin lubos na naaalala.

Pangatlo, ito po ang pinaka-unang Misa na aking inialay bilang pari. Sa aking puso, nakakahiya kay Hesus, at talagang mahihiya ako kay Hesus, kung ang unang Misang inialay ko, na nakikisalo lamang sa pagkapari niya, ay malayong mas marangya sa pinaka-unang Misang ipinagdiwang niya sa tagong silid ng Cenakulo. Si Hesus po talaga ang pari. Si Hesus lamang ang totoong pari. Kami pong mga pari ninyo ay pinagpala lamang na makisalo sa pagkapari niya. Hindi ko po Misa ito. Misa po ito ni Hesus. Pinagpala lamang akong ganapin ito sa pag-alaala sa kanya. Dito tayo nagdiriwang ngayon at ang pagdiriwang nati’y hubad sa bulaklak at seremonya dahil ang nais ko sana’y maalala ninyo si Hesus – hindi kung gaano kaganda ang mga awit at musica, hindi kung gaano kakulay ang mamahaling bulaklak, hindi kung gaano kabango ang usok ng insenso, o kung gaanong nakakaaliw ang sayawng mga bata sa Gloria. Ang gusto ko sana’y maalala si Hesus at si Hesus lamang. Kalimutan po ninyo ang paring nanguna, basta maalala lamang ninyo na sa hapong ito, nakaharap natin si Hesus.

Hihingi po sana ako ng regalo sa inyo. Simple lamang po at kayang-kaya ninyong ibigay ang regalong hinihingi ko: ipanalangin po ninyo ang mga pari. Ipanalangin po ninyo kami dahil kaunti lamang po kami. Ipanalangin po ninyong pabanalin kami ng Panginoon. Ipanalangin po ninyong maging kamukha kami ni Hesus upang sa bawat paring makakasalamuha ninyo, mararamdaman ninyo ang yakap ng Diyos. Ipanalangin ninyo kaming mga pari sapagkat sabi ni propeta Hosea, “Like priest, like people! (Hosea 4:9)” Kung banal po ang pari ninyo, mahahawa kayo sa kanyang kabanalan. Kung makamundo po ang pari ninyo, mahahawa kayo sa kanyang kamunduhan. Ipanalangin po ninyo kami – iyon lamang po ay sapat na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *